MODYUL_2.pdf - KABANATA 2 MGA SALIGAN SA PANUNURING...

This preview shows page 1 out of 119 pages.

Unformatted text preview: KABANATA 2 MGA SALIGAN SA PANUNURING PAMPANITIKAN MGA PILING MGA AKDA AT PAGKIKRITIKA Layunin: 1. Nakapagtatalakay ng mga akdang Pampanitikan na sumasalamin sa iba’t ibang aspekto ng pamumuhay, kultura, lipunan, pamahalaan at kasaysayan ng sambayanang Pilipino. 2. Nakapagpapahayag ng may kabisaan ukol sa pasalita at pasulat na tradisyon ng panitikang Pilipino. 3. Nagiging kasangkapan sa pagpapalaganap ng pambansang wika 4. Nakapag-uugnay ng mga kasanayan mula sa iba’t ibang larang at disiplina tungo sa pagsusuri at pag-unawa sa iba’t ibang akdang pampanitikan. 5. Nakapagsusuri at analisa ng mga akdang pampanitikang likha ng mga manunulat na Pilipino mula sa iba’t ibang wika – Filipino, Banyaga at Bernakular tungo sa kaisipang Filipinolohiya. 6. Nakababasa at nakauunawa ng mga kontemporaryong akdang pampanitikan tangan ang Malaya at progresibong kaisipan. 7. Kritikal na nakapagsusuri ng mga akdang pampanitikan gamit ang lente ng maka-Pilipinong pananaw. ARALIN 1: ANG SANAYSAY Ano nga ba ang sanaysay? Ayon sa makatang si Alejandro G. Abadilla ang sanaysay ay hango sa pahayag na “Pagsasalaysay ng isang sanay” kung saan ito ay kakikitaan ng dalawang sangkap ang “Salaysay” at “Sanay” – dalawang salita na pinaghanguan ng salitang sanaysay. Marahil, ito ay bunga na rin ng pagkahilig ng mga Pilipino sa pagsasalaysay bilang isang anyo ng pagpapahayag, samantalang ang sanay naman na binanggit sa aklat ni Lilia Antonio, ay maiuugnay sa ‘pagiging sanay ng mananaysay sa paksang tinatalakay, lalo na, ang paggamit ng kasanayan sa wika at gamit ng wika. Tinalakay ni Lilia Santiago (2006), malimit na narration sa Ingles ang itinutumbas natin sa salitang pagsasalaysay, subalit napakalawak kung susuriin ang sakop ng salitang ito kung isasama o iuugnay sa iba pang uri ng pagpapahayag. Isang halimbawa nito ang salitang kasaysayan na binigyan ng depinsyong “mga salaysay na may saysay.”Sa kabilang banda, ang sanaysay ay may paglilinaw ng mga bagaybagay, paglalatag ng paninindigan upang humikayat o kumunbinsi sa iba ukol sa isang punto. Maaring maglaman ito ng pagsusuri at pagmumuni, pag-uulat at pagpapaliwanag o pangangaral o sermon. Ang sanaysay ay isang uri ng akda na nasusulat sa anyong tuluyan na karaniwang pumapaksa tungkol sa mga kaisipan at mga bagay-bagay na sadyang kinapupulutan ng ng aral at aliw ng mga mambabasa. Komposisyon itong taglay ang tatak ng panlasa at hilig, reaksyon at palagay, saloobin at paniniwala, kalagayan at katauhan, karanasan at kaalaman ng bawat may-akda (Arrogante, 2007). Taliwas ang depinisyon ni Abadilla sa isang naunang tradisyon ng essay, na siyang madalas na itinutumbas natin sa sanaysay. Sa tradisyong Europeo, na pinagmulan ng anyo ng pagsulat ng essay, “pagtatangka” o attempts o eksplorasyon ang unang nagging ibig sabihin nito. Ayon ito sa French writer ng 1500s na si Montaigne na gumamit ng katagang “Essais” bilang pamagat ng kaniyang mga sulatin tungkol sa mga personal at trivial na danas sa bias ng impormal; na wika at asta (Santiago, 2006). Dagdag pa niya, si Francis Bacon, manunulat sa Ingles ang nagpasimuno sa mapanuring pagmumuni, analitikal, pilosopikal at impersonal na gamit ng essay. Magmula kay Bacon, magagamit ang essay upang magpamansag ng malalim na kabatiran, palaisipan at katuturan ng pag-iral. Kaya, sumulat ng mga pormal/impersonal na essay ang mga makatang John Milton at Alexander Pope. Sa America, nakilala bilang bihasang essayilst sina Oliver Wendell Homes. Ralph Waldo Emerson, si Samuel Clemens o Mark Twain, na nagpatampok sa political satire bilang instrumento upang labanan ang imperyalistang pananakop ng Estados Unidos sa Pilipinas. Sa deakada 60 naman nakilala si Susan Sontag bilang essayist na nagpanukala ng kakaibang pagsipat sa sining sa kaniyang akdang “Against Interpretation” (1964). Mga Uri ng Sanaysay May dalawang uri ng sanaysay: Ang sanaysay na pormal o maanyo - sanaysay na tinatawag din na impersonal kung ito'y maimpormasyon. Naghahatid ng mahahalagang kaisipan o kaalaman sa pamamagitan ng makaagham at lohikal na pagsasaayos ng mga materyales tungo sa ikalilinaw ng pinakapiling paksang tinatalakay. Maayon rin ito kung turingan sapagkat ito'y talgang pinag-aaralan. Maingat na pinili ang pananalita kaya mabigat basahin. Pampanitikan kasi kaya makahulugan, matalinhaga , at matayutay. Mapitagan ang tono dahil bukod sa ikatlong panauhan ang pananaw ay obhektibo o di kumikiling sa damdamin ng may-akda. Ang tono nito ay seryoso, paintelektuwal, at walang halong pagbibiro. Ang sanaysay na pamilyar o palagayan ay mapang-aliw, nagbibigay-lugod sa pamamagitan ng pagtatalakay sa mga paksaing karaniwan, pang araw-araw at personal. Idinidiin nito dito ang mga bagay-bagay ,mga karanasan ,at mga isyung bukod sa kababakasan ng personalidad ng may-akda ay maaaring empatihayan o kasangkutan ng mambabasang medya. Ang pananalita ay parang pinaguusapan lamang, parang usapan lamang ng magkakaibigan ang may-akda, ang tagapagsalita at mga mambabasa at ang tagapakinig , kaya magaan at madaling maintindihan. Palakaibigan ang tono nito kaya pamilyar ang tono dahil ang paunahing gamit ay unang panauhan. Subhetibo ito sapagkat pumapanig sa damdamin at paniniwala ng may-akda ang pananaw. Sa websayt naman na purdue.edu inuri sa apat ang pagsulat ng sanaysay: 1. Sanaysay na naglalahad – isang uri ng sanaysay na nangangailangan ng pagsusuri sa ideya, pagtataya ng mga patunay, pagpapalawak ng kaisipan, at pagtakda ng pangangatuwiran ukol sa ideya o kaisipan sa malinaw at tiyak na paraan. Ito ay ginagamitan ng paghahambing at pagkokontrast, paglalahad, pagbibigay ng halimbawa, pag-aanalisa ng sanhi at bunga at iba pa. 2. Sanaysay na naglalarawan – sanasay na ginagamit sa paglalarawan ng isang tao, bagay, lugar, pangyayari, damdamin, sitwasyon at iba pa. Ito ay uri ng sanaysay na humihimok sa kakayahan ng mga mag-aaral na sumulat batay sa partrikular na karanasan. Higit pa rito, hinahayaang ang mga manunulat na gamitin ang kalayaan sa paglikha, layunin nitong magkintal ng imahe sa isip ng mga mambabasa. 3. Sanaysay na nagsasalaysay – Maaaring isipin na ito ay isang uri ng pagkukuwento, ang ganitong uri ng sanaysay ay malimit na gumagamit ng anekdota, karanasan at may pagkapersonal – hinahayaan nitong ang mga magaaral na ihayag ang kanilang saloobin gamit ang pagiging malikhain. 4. Sanaysay na nangangatwiran – isang uri ng sanaysay na matamang nagsusuri sa isang paksa, nangongolekta ng datos, nakalilikha at nakapagsusuri ng mga ebidensya at nakapagpapatibay ng tindig o panig ng isang paksa sa tiyak na paraan sa pagbuo ng argumento o pangangatwiran. Katangian ng Mahusay na Sanaysay Ang isang mahusay na sanaysay ay may mga sumusunod na katangian (Santiago, 2006): 1. Kailangang may mahusay na ideya. Ang ideya pa rin ang nagdadala ng sanaysay.Kahit napakapino ng wika, kahit napakabongga ng estilo kung hungkag ang ideya, hindi pa rin magiging mahusay ang sanaysay. 2. Kailangang masinop at organisado. Dito magagamit ang mga kasangkapang panretorika sa pamamahayag. matapos matiyak ang sentral na ideya, piliin din ang sentral na layon at paraan ng pagpapalawig ng ideya. Ang pagsinop ay nangangailangan ng disiplina. piliin lamang yaong mga ideya na isasangkot sa talakay at iwasan ang pagpapahayag sa kung saan-saang paksain at pagkakaroon ng maraming pag-iiba ng focus ng sanysay. Gayundin, mainam kung manatili sa isa o dalawang paraan ng pamamahayag ang mga ideya. 3. Litaw ang sariling tinig. Isang napakahirap na hamon ito pero ang totoo, sa sanaysay nasusubok kung mayroon ngang sariling estilo o tinig ang isang manunulat. 4. Dapat may sariwang pagtingin o perspektibang inihaharap. Iba na ang sariwa. hindi kinakaingang bago kundi sariwa. Tulad n g isda, makikilatis ang sariwa sa bilasa at kahit paulit-ulit na tinatalakay ang ideya kung may panibagong pagtingin o perspektiba mas katakamtakam ito. 5. Maging bukas sa mga pagbabago o puna. Ang kahingiang ito ay isang tatak ng pagiging mahusay na manunulat. Bigotry ang tawag doon sa ayawa tumanggap ng puna at posibilidad ng pagbabago sa pagtingin man o sa sinisiyasat, inihaharap na sanaysay. Ito’y malalagom gamit ang katagang MASIGABU, na tulad ng masigabo ang palakpak sa isang sanaysay kung ito ay (Santiago, 2006): MA SI GA BU May mahusay at sariwang ideya. Masinop ang organisasyon at pagkakalahad. Gamit ang sariling estilo at tinig. Bukas sa mga posibilidad ng pagbabago. Sa aklat naman ni Arrogante (2007), nagbigay rin siya ng mga katangiang dapat taglayin ng isang mananaysay. Ito ay ang mga sumusunod: • • • • • • • • • mabilis ang utak sensitibo sa kapaligiran may lagging tugon at hinuha sa interes ng buhay, ng tao, at ng mga bagay-bagay may kakayahang manuklas ng mga bagay-bagay na hindi nakikita ang panlabas lamang malikhain at orihinal sa isip may mapiling panlasa may kalugurang mapagkakatiwalaan may kabatiran sa mga kaalamang makabago hinggil sa makataong kapakanan pamilyar sa mga mabubuting panitikan at iba pang sining. Mga Halimbawa at Panimulang Pagsusuri ng Sanaysay TULA: KAISAHAN NG KALAMNAN AT KAANYUAN Alejandro G. Abadilla ANG SANAYSAY, o makurong lathalain, ng kasamang Iñigo Ed Regalado, sana ay nagbunga ng pagkikibit na lamang ng balikat (na madalas kong ginagawa mula sa kamakailan) kundi sa ilang katangiang hindi bihirang taglayin ng isang karaniwang lathalain, sanaysay, o anumang babasahing pampanitikan. Samakatuwid, mahihinuha ninyo agad, hindi pa man na hindi ko tangkang sumagot sa kasamang Regalado, ni makipagtalo kaya sa kanya sa isang paksang mandin ay siya ang may karapatang sumarili (maliban kung anng kasamang Amado V. Hernandez na katulad din niyang Makata ng Pamahalaan at lawriyado ay makihati sa kanya. Datapwa, sa kabila ng kamalayang iyan, na maaga pa’y nais ko nang matalos ninyo, ay hindi ko rin napaglabanan ang tukso, wika nga, at ito’y upang masabi ko lamang naman marahil sa inyo ang mahalagang katotohanang tao lamang ako at isang taong nabubuhay sa ilalim ng di-pangkaraniwang kalagayang dulot sa atin ng digmaan sa bahaging ito ng daigdig. Ngayon pa’y inyo nang makukuro, sa gayon, na ang paglabas kong ito (kung palabas nga) sa mapanganib na larangan ay dulot hindi ng likas na sarili kundi manapa’y bunga ng di-pangkaraniwang kalagayan ng panahong ginagalawan nating lahat. Isa sa ilang katangiang nakatawag ng aking pansin ay ang mahalagang pahayag ng kasamang Regalado na diumano, sa kanyang pakiwari ang puntahin ngayon ng itinuturing na mga makabago ay ibagsak at lansaging ganap ang katutubong balangkas ng Tulang Tagalog at palitan ng balangkas ng Tulang Inggles na hatid at naiwan sa atin ng mga Amerikano. Sa di iilang pagkakataon, ang balangkas na tinutukoy at sinasabing katutubo ay ang tugma at sukat, na mandin kung wala ang mga ito ang isang akda ay hindi matatawag na tula sang-ayon sa wastong pagkilala ng sining. Ang palagay ng kasamang Regalado, sa unang malas, di maikakait ay hindi matututulan, sapagkat ako man naman ay naniniwalang panahon nla ito upang makilala natin ang sarili at mga katangiang katutubo nating mga Pilipino. Subalit ang paratang niyang diumano’y hangad ng mga makabagong lansaging ganap ang katutubong balangkas ng Tulang Tagalog ay hindi ganap na totoo, kung totoo mang masasabi. Hindi totoo, ang wika ko: una, sapagkat ang sinasabing katutubong balangkas sa bisa ng tugma at sukat ay hindi sarili ng Tulang Tagalog kundi ng lahat nan g panulaan sa daigdig. Kung tunay na ang mga makabago, sa kanilang kalayaan ay walang hangad kundi lansagin ang katutubong balangkas ng panulaang pandaigdig, ay ano’t ang mga makabago lamang ng panulaang Tagalog ang siyang pananagutin sa pagkakasala, kung pagkakasala nga? Ang kapinsalaan, ng sinasabing pagkakasala, ay pandaigdig: bakit ang mga makabagong makatang Tagalog lamang ang ibig panagutin? Kung ang kabuuan ng mga mambabasa ay hukuman, ang hukumang ibig pahatulin ng kasamang Regalado, sa malas ko’y walang kapangyarihang makapaglitis, kaya walang karapatang makahatol, sapagkat maliwanag na lumalabas na ang usalin ay malaki kaysa larangan ng kapangyarihan ng hukuman. Ikalawa: sapagkat ang sinasabing katutubong balangkas ng Tulang Tagalog, sa bisa ng tugma at sukat, ay hindi kabuuan ng mga katutubong balangkas ng Tulang Tagalog at ito’y sa katotohanang ang panulaan natin, ayon sa patotoo ng mga mananalaysay, ay mayroon ding malayang taludturan na siya ngayong kinagigiliwang gawin ng mga makabago. Kung ang ikalawang matuwid na ito ay totoo, ay ano’t masasabing ganap na palgansag ang ginagawang pagbuhay lamang sa mga katangiang katutubo n gating panulaan. Hindi nagkakamali ang kasamang Regalado nang siya na rin ang magsabng “ ako’y sadyang naniniwala na ang kabaguhan ay isang bagay na di maiiwasan sa mabilis na takbo ng pagkasulong.” Kung ang malayanng taludturan ay maipalalagay na kabaguhan sa tulang Tagalog, ayon na rin sa pagtanggap ng kasamang Regalado, at siya naman ay naniniwala na iyan ay isang bagay na hindi maiiwasan, ay ano pa kaya ang pagtatalunan sa bagay naito? Hindi kaya maliwanag na hindi paglansag nni pagwasak sa katutubong balangkas angn ginagawa ng mga makabago, lalo pa nga kung isasaalang-alang ang katotohanang iyan man naman palang sinasabing malayang taludturan ay hindi narin bago at bahagi pa nga ng katutubong balangkas ng Tulang Tagalog. TANGGAPIN NAMAN natin, alang-alang man lamang sa usapan, na ang ginagawa ng mga makabago ay pagwawasak nga ng katutubong balangkas n gating panulaan, at ang tinurang pagwawasak ay isinasakatuparan sa pamamagitan ng pagiwas sa tugma at sukat. Subalit nais ko naming sabihin sa inyo, na ang pagwawasak na ito ng mga makabago ay makabuluhan, kaya mapaglikha at sapagkat mapaglikha, kaya dakilang pagwawasak. Ang balangkas, ang pamamaraan, o ang kaanyuan, kung baga sa tao, ay damit lamang ng tula. Ano kaya ang masama sa isang taong nagbabagong-bihis lamang sa kanyang kapamuhayan? Ang pagbabagong-bihis sa malas ko, ay kailangan: una pagbagay marahil sa sumisibol niyang kamalayan; at ikalawa, pagkatakot marahil mangamoy ang katawan na maaaring likhain ng basahan na niyang damit na nagpuputik na sa dumi. At ang damit, sa kaisipan ng isanng taong umuunlad, kahit gaano kamahal o kaganda ay nawaw;alan ng bisa sa mata ng ibang nagmamalas kung iyon at iyon din ang nakikitang isinusuot araw-araw. At ang makata, palibhasa’y tao, ay hindi makaiwas sa di-maiwasang katotohanang iyan sa kanyang buhay at pakikipamuhay. Di natangi sa ibang kaguro, ang makabagong Makatang Tagalog, ay ganyang isang nilikhang tumatangging maiwan ng panahon, isang kaluluwang aayaw mangamoy dahil sa iyon at iyon ding damit na naluma na sa katawan. Sa katotohanan, ang mga makabago ay wala naming ginagawang katampalasanan sa sarili sa pagsusuot ng bagong damit. Ang ginagawa lang naman ng mga makabago ay halinhan ang luma at marumi na, sa hangad marahil na ito ay palabhan lamang at hindi upang was akin o ilagay kaya sa basurahan. Hindi nga kaya ganyan lamang ang dapat gawin ng isang mai sumisibol na pag-iisip – magbago? Hindi kaya ang pagbabagong ganito, kung pagwawasak ay makabuluhang pagwawasak? At sapagkat makabuluhan, kaya mapaglikha at dakilang pagwawasak. Ang isa pang bagay na nais kong ipatlig sa inyo ay ito: na pagwawasak man ang pag-iwas sa sukat at tugma sa pagtula ay pagwawasak na mabuti sapagkat may bagong balangkas na ibig itayo. Ang isang tunay na mamamayan ng daigdig ay may katwirang huwag masiyahang mamahay sa luma’t sira-sira na niyang kubo kung may kaya rin lamang siyang makapagtayo ng ibang naiiba at nababago. Ano ang masama kung pagkatapos maigiba ang giring-giring na niyang kubong pawid at kawayan ay makapagtayo siya ng isang bahay na kongkreto at maaliwalas pang pamahayan? Ano, sa malas ninyo, hindi kaya mabuting di palak ang ganitong pagwawasak kaysa pagbubuong walang kapara-pararakan, sapagkat walang binubuo kundi ang buo na? Hindi ako salungat sa damdaming makalahi subalit nakalulungkot makitang ito’y ginagawang luhuran lamang ng ibang tumatangging magpakilala ng kanyang matatag na katauhan sa pagharap sa buhay. SA AKING PAKIWARI, ang balangkas o pamamaraan sa tula ay hindi mahalaga. Sa papatayin mang hayop, ang mahalaga ay ang kalamnan, at ito sa tula ay ang damdaming matulain – yaong damdaming may hubog, may kulay at may tinig. Datapwa’t higit sa damdamin ay ang makata sa kanyang sarili niyang kakanyahan na iba sa lalong malapit niyang katulad. Ang makata, sa kanyang sarili, ay nag-iisang batayan, nag-iisang balangkas at nag-iisang pamamaraan ng paglikha. At sa mga sandaling siya’y nasa ilalim ng kapangyarihan ng damdaming ayaw nang magpatantan, ang makata, ang tunay na makata ay may ganap na kalayaan sa pagpili ng mga balangkas at pamamaraang naaangkop sa pagsasakatuparan ng lunggati sapagpapahayag. Sa ang maibigan man niya sa mga sandaling yaon ng paglikha ay angn luma o bagong pamamaraan bilang kasangkapan, ito’y hindi gaanong mahalaga. Sapat na sa kanya ang damdaming nag-uumapaw sa puso at di masayod na damdamin sa kaluluwa upang sa pamamagitan niya, ng sariling di hawa sa iba, ay makalikha pagkatapos ng isang munting tula, isang tulang iba kaysa kapangalang nalikha sa bisa ng mababaw na kapormalan ng kombensiyon. Hindi kailangang hadlangan ang makata sa kalayaang dapat lubusang pagpasasaan. Kung ang damdamin ng makata, samantalang hindi pa naibubulalas, ay mayroon ng sukat at tugma, ay ano ang makahahadlangn sa kanya upang ibulalas na may sukat at patugma? Datapwa, kung ang damdaming iyang nasa makata ay lalong mabuting pahayag, sa ngalan ng guniguni, sa pamamagitan ng pag-iwas sa sukat at tugma ng pinagkagawiang pagtula, ay ano ang makahahadlang sa kanya upang siya’y magpahayag ng damdamin sa pamamagitan ng malayang taludturan? Diyan ay maliwanag na ang tula ay wala sa pagkakaroon ng sukat at tugma, at wala rin sa pag-abuso ng kakawag-kawag na damdamin sa kalayaan ng pagpapahayag. Ang tugma at sukat ay hindi garantiya sa mabuting tula, at ang paagbakli-bakli ng mga taludtod ay hindi rin katibayan ng mabuting malayang taludturan. Ang tula ay tula sa anumang sukat ang ginagamit ng diumano’y makabago o makaluma. Bago ako magwakas ay nais ko paring sabihin sa inyo na ang daloy o ritmo, sa tula ay siyang mahalaga – hindi yaong daloy na panlabas kundi yaong daloy na panloob. At ang daloy na panloob ay ang pagkakaisa at natural na pagkaksundo ng kulay, tinig at hubog ng damdamin ng makata, sa isang dako, at ng mga salita bilang sangkap o mabisang sangkap sa pagpapahayag ng kagandahan sa kabila tungo sa ikapagkakahulugan nito sa damdamin ng mambabasa. Tula: Kaisahan ng Kalamnan at Kaanyuan ni Alejandro G. Abadilla (Panimulang Pagsusuri ni Jomar G. Adaya) Mapagbuong Pagwasak Ang sanaysay na ito ni Alejandro G. Abadilla ay lumabas sa Liwayway noong Hulyo 8, 1944 bilang tugon sa kritisismo ni Iñigo Ed Regalado. Kilala si Abadilla bilang modernista ng panulaan sa kanyang panahon kaya masisilayan sa sanaysay ang pinanananigan niyang ideya sa pagsulat ng tula. Ang layunin niya’y magkaroon ng kalayaan ang makata sa pagpili ng balangkas at paraan sa pagtula na nang mga panahong iyon ay hindi maunawaan ng mga manunulat na itinuturing na haligi ng panitikang Tagalog. Winika niya: Ang makata, sa kanyang sarili, ay nag-iisang batayan, nagiisang balangkas at nag-iisang pamamaraan ng paglikha. At sa mga sandaling siya’y nasa ilalim ng kapangyarihan ng damdaming ayaw nang magpatantan, ang makata, ang tunay na makata ay may ganap na kalayaan sa pagpili ng mga balangkas at pamamaraang naaangkop sa pagsasakatuparan ng lunggati sa pagpapahayag… Hindi dapat hadlangan ang makata sa kalayaang dapat lubusang pagpasasaan.. Malinaw sa pahayag ni Abadilla mula sa kanyang sanaysay na ang makata ay sentral ang ginagampanan sa malayang pagpapahayag ng mga sangkap at balangkas ng tula. Hindi marapat pigilan ng sinuman, kahit pa ng mga maituturing na establisyamento ng panulaan ang pagbabago ng mundo na kailan man ay hindi tumigil sa pag-ikot upang higit pang matuklasan ang mga kalinangang sarili at pambansa. Ang sanaysay na ito ay isang testamento ng paghuhugis sa bagong mukha ng p...
View Full Document

  • Left Quote Icon

    Student Picture

  • Left Quote Icon

    Student Picture

  • Left Quote Icon

    Student Picture